Ka Leody De Guzman, Kandidato maging Pangulo ng Pilipinas, Partido Lakas ng Masa
Ka Leody De Guzman, nangangampanya maging Pangulo ng Pilipinas para ihinto ang political dynasties
ulat ni Angelita Biscotti para sa Jacobin, 7 Marso 2022
Ang halalan ng ika-9 ng Mayo ay pagkakataon para palitan ang nakaupong Pangulong Rodrigo Duterte. Sa panahong bumaba si Duterte sa pwesto, nanatalili pa rin ang pamana ng kanyang mga utang, polisiya, at mahabang anino ng awtoritarianismo at political dynasties sa Pilipinas mula dekada 70. Mula Ferdinand Marcos hanggang Rodrigo Duterte, elitista lamang ang naghahari sa pamahalaan.
Si Ka Leody De Guzman ng Partido Lakas ng Masa ang una at nag-iisang kandidato sa pagka-Pangulo na galing sa hanay ng mga manggagawa. Balak niyang patawan ng buwis ang mga bilyunaryo, at ihinto ang mga panukalang neoliberal. Ang kanyang Bise-Presidente ay si Walden Bello, tanyag na mananaliksik na sosyalista demokratiko, at dating Kongresista.
Nitong nakaraang linggo, nakapanayam ko si Ka Leody para sa Jacobin Magazine. Basahin dito sa wikang Ingles. Ang sumasailalim na ulat ay ang pinaiklang sipi ng aming usapan.
Angelita Biscotti: Ka Leody, pakikwento po sa akin yung araw kung kailan pinagpasyahan niyong tumakbo para sa pagkapangulo.
Ka Leody: Tinanggap ko ung alok na tumakbo sa pagka-Pangulo mga tatlong araw bago ung convention ng Partido Lakas ng Masa. Bago ung tatlong araw na yun, a month na kumbinsihan bago ako nakapagdecide na tanggapin ung alok o proposal na ako ay tumakbo bilang pangulo. Kasi mabigat. First time ito. Wala pa sa history ng Pilipinas na may kinatawan ng sektor na tumakbo bilang presidente kaya mabigat yung desisyon na ako tumakbo.
Ang malaking konsiderasyon talaga ay paano ko ipapakilala ung aking sarili. dahil alam mo naman ung eleksyon sa pilipinas personality tsaka kinakailangan meron kang capacity financially na pareho wala ako nun. hindi ako masyado kilala at wala akong billions na pondo.
Kasi dito daw, ang study kinakailangan meron kang 3 - 5 billion para maging contender ka sa pagkapangulo.
Kaya mabigat. Ang aking inasahan ang suport ng manggagawa at ng masang Pilipino. Sa mahabang panahon walang nangyari sa pagpapalit ng mga sikat at bilyunaryong kandidato na pumwesto sa gobyerno. Maraming mga pilipino ang naghahanap ng alternatibo.
AB: So Ka leody anak kayo ng magsasaka tama po ba?
KL: Taga-Mindoro ako, anak ng magsasaka. Ang mabigat dun hindi lang ako anak ng magasasaka. Labintatlo kaming magkakapatid.
AB: Madami yun.
KL: Ako yung nasa gitna, pampito from top at bottom.
AB: Pakikwento yung buhay sa isang tahanan kung saan 13 kayong magkakapatid, at mga magulang niyo pareho magsasaka.
KL: Lahat ng ginagawan ng paraan, ng diskarte, para mapagkasya kasya ang lahat. pagkain, pamasahe sa eskwela, gamit sa eskwela. Lahat ginagawa ng paraan para makalusot. Dahil sa dami nga talagang hindi kinaya. Sa aming magkakapatid, dalawa lang kaming nakapagtapos ng college, yung sinundan ko at ako. Yung sinundan ko nakapagtapos bilang nars. Yung diskarte doon katakot-takot. Nanirahan siya sa ibang tao para makalibre sa pagkain at boarding house. Nagtrabaho ako sa pabrika at naging working student ako. Aside from sa amin dalawa, wala sa aming magkakapatid ang nakapagtapos ng college. Marami rin hindi nakapagtapos ng high school.
Ganoon ang karanasan ng probinsya sa panahon ng martial law. Yun bang pambili ng posporo ay wala. Paggising mo sa umaga wala kang posporo, titingin ka sa mga kapitbahay mo malalayo ang pagitan ng bahay kung sino na ang nagsasaing. Pupunta ka doon para humingi ng apoy, ng baga, lalagyan mo doon sa bunot. Dahan-dahan ang pag-uwi kasi kung tatakbo ka ng mabilis, malakas ang hangin, magliliyab ang bunot. Dahan-dahan ka lang hanggang pagdating sa bahay mo para mayroon kang sindi. Ganoon ang larawan ng buhay sa probinsya, ng kahirapan.
At hindi lang kami yan. Maraming tao doon ganon ang buhay.
Katatapos kong mag-graduate from high school. Hindi ako kaya ipagpaaral sa college. Kaya nagtrabaho sa pabrika ng garment sa Pasig at nag-working student ako. Nakatapos ako ng college, ng customs administration. Bago ako mag-graduate noong 1983 pinatay si Ninoy nung august 1983. Nakilahok ako sa kilusan laban sa diktaturyang Marcos.
AB: Sa inyong palagay ano po ung pinakamatinding problema sa pulitika ng pilipinas ngayon?
KL: Elite rule. Dominated ang pulitika ng Pilipinas ng political dynasty. Halos 78% ng mga Congressmen at Senator dito sa Pilipinas, pati executive, under ng political dynasty. Kaya ung corruption grabe dito sa ating bansa. Napakatibay nila halos tanggapin na ng mamamayan naging kultura, ok lang ang corruption basta mayroong nagagawa.
Yung elektoral system dito, pera pera. Walang imposible kapag may pera ka. makakalahok ka sa election dito. hindi kahit dynasty ka, kahit trapo na tinatawag namin, kahit na may kaso ka ng korruption ay pwede ka pa ring tumakbo at mananalo ka pa. katulad ni bong revilla.
Ako, tumatakbo galing sa sektor. Hindi ako sikat. wala akong pera. tapos ang kalaban mo mga sikat, kilala, may pang-paid-ads sila sa TV na nagkakahalaga ng PhP 900,000 ang labas, 15 seconds. Kung 3 yan 3 tv station halos 3 million isang araw.
Yung malalaking billboard dito 300,000 a month. Poster dito 40 isa, 42,000 ang baranggay, millions at iyong gagastusin. Kaya kung meron kang 3 - 5 billion, agad automatically contender ka.
Ganito ang pulitika dito. Kaya nakakapwesto sa pilipinas mula noon panahon pa ni Marcos, Cory, Gloria, Estrada puro mga galing tuktok ng lipunan. Puro mga elite. Dynasty. Bilyunaryo. Kung di man sya bilyunaryo, funded siya ng bilyunaryong korporasyon sa ating bansa.
AB: Ano po ung stratehiya niyo para manalo? Sinu-sino ang nasa inyong koalisyon?
KL: Ang inaasahan ko sa panalo ay ung makarelate ang mga magsasaka, manggagawa, mahihirap, doon sa aming plataporma ni Walden Bello.
Yung aming plataporma hindi lang naman namin kinathang isip lang nung kumanditato kami. Ito mga isyu na ipinaglalaban na ng mga manggagawa, driver, kababaihan, environmentalists, magasasaka, mangingisda, masang pilipino. 30 taon na nilang inilaban ito pero walang pumapansin sa kanila doon sa palit-palit na gobyerno. Kaya pag-asa namin, matuntunan ng elektorado na ito yung isyu nila na inilalaban noon pa, na walang bumitbit sa nakaraan. Ngayon may kandidatong bibitbit. The name Ka Leody.
Yung ang aking pag-asa. Hindi pera. Hindi gimmick. Kundi ung plataporma na bitbit namin.
AB: Ayon sa mga pagsusuri ng mga International Labor Organization, 53% ng mga mamamayang Pilipino ay namumuhayan sa 5.50 USD o kulang kada araw. Ano ung dahilan kung bakit mahigit sa kalahati ng populasyon ang naghihirap ng ganito? At ano ang mga programa ninyo pero ayusin ito.
KL: Ito ang resulta ng neoliberal policy na ipinatupad nung kalaghatiang termino ni Marcos at Cory, hanggang ngayon kay Duterte. Pinaburan at binigyan ng todo-todong suporta ng palit-palit na gobyerno yung pagpapapaunlad sa negosyo, sa paniniwalang pagka umunlad ang business kumita ng malaki ay mapupuno ang kanilang bulsa at aawas mag-t-trickle down at makikinabang din ang manggagawa at mga mamamayan.
Napatunayan na sa 50 taon na bigo ung ganoong teorya. Hindi nagttrickle down ung yaman ng business sa mamamayan. Hindi nakikinabang ang mamamayan.
Kontractualisation - isa itong halimbawa ng programa na pabor sa business pero walang pakinabang sa mamamayan. mababa ang sweldo, walang benepisyo, pwedeng palitan kapag may edad na o kapag nagreklamo, na wala silang kaso.
Walang union kasi mahihirapan magtayo ng union ang manggagawa na nakadepende sa mga manpower agency, o third party na nagsusupply ng manggagawa sa principal. Walang collective bargaining agreement, walang wage increase.
Tingnan natin yung 1988 Wage Rationalization Law, na nagtatakda na ang sahod ng mga nasa probinsya, ginawang mas mababa sa sahod sa Manila. Mas malayong probinsya, mas mababa sahod. Gusto ng business, mura ang sahod sa mga probinsya para makatipid sila. Kaya yung mga malaking negosyo na may branches sa probinsya. At ang aming panawagan, dapat itaas ang sahod sa probinsya kapantay ng sa Metro Manila.
Isa akong manggagawa, galing sa pamilya ng magsasaka at manggagawa. Itong aking programa ay para sa ikauunlad ng manggagawang Pilipino. Manggagawa naman, yan ang sigaw ng aking kampanya.
AB: Nais niyo ring magpataw ng 20% wealth tax sa 500 pinakamayamang Pilipino, tama po ba?
KL: Baon ang Pilipinas sa utang. Mukhang aabot sa 13.7 trillion ang utang mula sa 5.9 trillion noong umupo si pangulong duterte. Pagkalipas ng anim na taon, halos dumoble o lagpas pa, triple ung utang ng pilipinas.
May pera - kaso ang pera nasa kamay ng mga elitista. Kahit noong panahon ng pandemya, tumaas ang net worth ng mga pinakamayamang kapitalista. Nandun sa 500 na big business na kahit nung panahon ng pandemya noong 2021 noong nasa matinding krisis ang buong mamamayan ung mga mayayaman ay nagincrease ung kanilang net worth.
Manny Villar, tumaas nang 28%, umabot sa 350 billion ung kanyang yaman noong panahong ng pandemya. Si Razon umangat nag 43% noong 2021 lang, naging 250 billion ang kanyang net worth. Si Lucio Tan 94% ung increase ng kanyang yaman. May pera - nasa kamay nga lang ng mga bilyunaryo.
Kaya naisip namin ni Walden na mag-impose ng wealth tax para naman sa ganon na magamit yung kanilang pera para sa pagkabangon ng ating bansa mula sa pagkalugmok dito sa krisis na dulot ng pandemya.
Ang mga mayayaman, alam nila ang may konsepto ng corporate social responsibility. Palakihin kaya natin. I-institutionalise natin yon yearly mula 1 - 5% depende sa na-accumulate nila. Kung 100 million, 1% kung 200 - 300 2% and so on hanggang 5% sa pinakamayamang negosyante.
Plano namin ni Walden, baguhin ung sistema ng taxation. Ang problema sa taxation natin regressive, nakapatong sa produkto. Pati pulubi, kahit walang trabaho, nagbabayad ng buwis. Ang dapat gawing progressive kasi yon ang nasa konstitusyon. Kung sino ang kumikita siya dapat ang magbayad ng tax. Kung maliit ang kita maliit ang tax. kung malaki ang kita malaki ang tax. Hindi yung manggagawa na walang trabaho pinapatawan ng buwis every time sila ang bibili ng mga produkto.
AB: Ang mga mayayaman madaming palusot. sila ung pinakaonti magbayad ng tax kung ikukumpara sa karamihan.
KL: Ang manggagawa, hindi pa nga nakukuha ang sweldo, winiwithheld na para sa tax. Ang mga mayayaman may mga tax haven sila na natatakbuhan para makaiwas sa pagbayad ng tax. Tax holiday. Binibigyan sila ng industrial park o centre na ekta ektarya na wala silang binabayaran. Mga pribilehiyo na binibigay para payamanin ang mga negosyante. Kaya ang tingin namin ni Walden, sa ganitong panahon ng krisis, maganda kung maging karangalan nila maging katuwang ng gobyerno sa pagsalba ng krisis ng ating mga mamamayan.
Laganap ang kahirapan sa bansa, lalo na noong panahon ng pandemya ng COVID-19. Ang daming walang trabaho. Ang taas ng presyo ng bilihin. Ang daming nagsarang pabrika. Ang daming nagkakasakit.
May crisis tayo sa klima. Ang Pilipinas ang isa sa mga pinakavulnerable na bansa sa mundo. Mahigit 20 bagyo ang dumadaan dito, papalakas na papalakas. Kada bagyo, napakaraming naapektuhang buhay, industriya at pamayanan.
Kailangan ng pera para makabangon ang bayan. Tingin namin sa panahon ng krisis ay maganda kung maging karangalan ng mga elitista nila maging katuwang ng gobyerno sa pagsalba ng krisis ng ating mga mamamayan.
AB: Ano po ang inyong mga balak para hindi maranasan mga susunod na generation ng magsasaka ang mga kinalakihan niyo at nakita nyo sa mga karanasan ng inyong magulang?
KL: Balak kong rin i-repeal ang Rice Tariffication Law na nagpahintulot sa big business na mag-angkat ng unlimited volume ng bigas. Hindi nabebenta ang ani ng ating mga magsasaka. Nalulugi ang sariling atin dahil ang nabebenta halos katumbas lang sa gastos. Ayaw na nilang tamnan ang lupa, at ibebenta lang sa mga developer, para magtayo ng subdivision. Pansinin na ang may panukala ng Rice Tariffication Law ay si Villar, na iyon ang negosyo.
Dapat suportahan ng gobyerno ang mga magsasaka at huwag silang hayaan na magsariling sikap. Kung kaya, sagutin dapat ng gobyerno ang kalahati ng gastos ng ating mga magsasaka at mangingisda nila sa production para engganyuhin sila na magpatuloy sa mga gawaing magseseguro ng ating mga pangangailangan sa pagkain, lalo na sa panahon ng pandemya. Mahalagang tiyakin hindi lang food security kundi food sovereignty.
AB: Huling tanong na po ito. Posible bang itigil ang political dynasties at pamunuan ng mga bilyunaryo?
KL: Oo, kapag nananalo kami ni Walden.
Nakatakda sa ating Konstitusyon ang pagbabawal ng political dynasty. Kaya lang walang enabling law. Puro galing political dynasty at trapo ang mga nasa Kongreso ngayon. Hindi sila gagawa ng enabling law na maglilimita sa kanilang kapangyarihan.
Kung manalo kami ni Walden at hindi pa rin maipatupad ng Kongreso ang enabling law, gagamitin namin yung provision sa constitution ukol sa people's initiative, para maisabatas ito. Hindi na dadaan sa kongreso, kundi sa mamamayan.
Ipagbabawal natin ang mag-ama, mag-ina, magkakapatid, magkakamag-anak, na tumakbo sa posisyon. Kung titingnan mo ang Team Unity, unity lang iyon ng mga dinastiya.
Kung manalo kami ni Walden, magsasagawa kami ng mga reporma sa eleksyon para hindi lang pera yung batayan ng kung sino ang pwede tumakbo o manalo. Ipagbabawal ang mga political ads na milyon ang gastos kada labas. Gamitin dapat ang mga government TV at radyo at patas ang oras na itatalaga sa mga kandidato. Bawal ang mga billboard at poster sa mga highway kasi kalat lang yan.
Kailangan ding itigil ang nepotism sa pagpili nga mga political appointees. At ipagbawal na tumakbo sa halalan ang mga may kaso ng corruption. Aanhin kasi kahit na magtayo ng maraming kulungan kung papayag ka na yung mga makapasok sa election ay political dynasty o may kasong pagnanakaw, hindi matatapos ang koruption sa gobyerno.
AB: Bale hindi lang sapat yung sinasabi ng karamihang kandidato o hanggang corruption lang ang problema. May corruption dahil may political dynasty. Ang ugat na dahilan ng corruption ay ang hindi pagkakapantay-pantay ng mga mamamayan.
KL: Oo. Hindi corruption lang eh. Ang corruption ay isang bagay lang sa maraming problema ng bayan. Ang problem talaga ay yung neoliberal na policy na nakasentro ang pabor ng gobyerno sa mga business at ang kawalan ng sariling industriya ng Pilipinas.
Dapat talaga yung ating mga pangangailangan hindi iniimport. Pati ba naman sibuyas, bawang, luya, mani, toothpick, iniimport natin.
Kailangan itigil ang policy na import-dependent, export-oriented. Mag-eexport ng raw materials na napakamura, mag-iimport ng yaring produkto na napakamahal. Kaya lagi lugi. Tapos para mawala yung deficit mangungutang. Kaya tuloy tuloy ang pangungutang ng Pilipinas.
AB: Bale hindi tama na tayo maging konsumer na pasibo, kundi tayo ang magtatakda ng sarili nating tadhana bilang bansa. Pero sa ngayon, bakit pati pangluto ng sarili nating pagkain, adobo at tapsilog, iniimport natin mula sa labas?
KL: Ang tawag nga sa atin perlas ng silangan kasi mataba ang lupa natin, malawak ang ating tubig at karagatan. Kung tutuusin, hindi dapat nagugutom ang mga Pilipino. Pero ang totoo marami dito mga kapitbahay namin na natutulog na hindi naghahapunan. Ang dami nating yamang mina, ginto, nickle, copper, bakal, semento. Bakit hindi tayo ang gumawa ng sarili nating kagamitang pang-araw-araw, at i-export na rin ang mga ito, imbis na i-export natin ang ating mga likas yaman, para bilhin ang mga nabuong produkto sa presyong pagkamahal-mahal?
Kung mamuhuan tayo sa sarili nating kakayahan, sarili nating likas yaman, kaya nating iangat ang kalagayan ng ating ekonomiya at ng ating lipunan. Sa halip na alalayan ng pamahalaan ang mga bilyunaryo, suportahan natin ang ating mga kapwa Pilipino naghirap dahil sa 50 taon ng neoliberalismo.